
Pinadadagdagan ni Senator Loren Legarda sa mga private employers ang sweldo ng kanilang mga empleyado o manggagawa na kinakailangang pumasok kahit na may kalamidad o public emergency.
Nakapaloob ito sa Senate Bill 520 na inihain ng senadora kung saan pinadadagdagan niya ng 30 percent ang sahod ng mya manggagawa sa bawat araw na pisikal na magrereport sa trabaho kahit nakadeklara ang state of calamity o emergency alert sa lugar.
Ang dagdag na sahod ay hiwalay pa sa hazard pay at ipinagbabawal na gawin itong pamalit sa anumang benepisyo na iniuutos ng batas.
Paliwanag ni Legarda, ang dagdag na 30% sa sweldo ay para sa hirap ng transportasyon, panganib sa paligid na maaaring suungin ng manggagawa at adjustment sa sitwasyon tulad ng pagtaas sa presyo ng pagkain.
Maaari namang gawing pamalit sa dagdag na kompensasyon na ito ang non-monetary support gaya ng libreng transportasyon, pagkain at tirahan na sasagutin ng employer.









