Kinalampag ng grupo ng mga tsuper at konduktor sa EDSA Bus Carousel ang pamahalaan na ibigay na sa kanila ang hindi pa nababayarang sahod.
Ito ay kahit magtatapos na sa Sabado, December 31, ang libreng sakay program ng Department of Transportation sa EDSA busway.
Sabi ni Joji Vizconde, presidente ng Buklod ng Manggagawa sa ES Transport Inc., nasa kalahating milyon pa ang singilin nila sa kanilang kompanya bukod pa ang hindi pa rin nila natatanggap na pasahod noong 2021.
Katunayan, idinulog na raw nila sa Labor Department ang usapin dahil hindi rin nila alam kung sino ba talaga ang may pagkukulang.
“Sino ba talaga ang may pagkukulang? Totoo ba ang sinasabi ni [LTFRB] Chairman [Martin] Delgra na 100 percent nang nabayaran? Hanggang sa nagdulog po ako ng mga kaukulang dokumento sa LTFRB sa pamumuno na po ni Chairman [Cheloy] Garafil, pagkatapos po ay napalitan na po ni Jaime Bautista. Hindi na po namin alam kung sino talaga yung makatotohanan sa kanila,” ani Vizconde sa panayam ng RMN DZXL 558.
“Sa ngayon nga po, yung mga kasamahan ko, Nobyembre pa yung huling sahod nila. Pano po ito, matatapos na naman ang programa sa libreng sakay e meron pa pong singilin. Tapos po lilipat tayo sa privatization, marami ang mag-iinteres na kapitalista,” dagdag niya.
Samantala, pabor naman ang grupo sa planong pagsasapribado sa EDSA Bus Carousel basta’t mapapasahod sila nang tama at ‘on time.’
“Sa tingin ko, mas maganda na lang na i-pribado kasi kung ganyan po na mananatili tayo sa libreng sakay at sa gobyerno, meron pong pagkaantala ng pagpapasahod, pagkatapos makapaningil ng kompanya ay inaantala pa rin po para sa mga manggagawa. E paano naman po yung mga pamilyang umaasa sa aming mga tsuper at konduktor? Ang nangyayari, imbes na makatulong e nalulubog pa sa utang,” giit ni Vizconde.
Target ng Department of Transportation na maisapribado ang EDSA busway sa ikalawang quarter ng 2023.