Alas-otso ngayong umaga nang mag-umpisa ang seremonya mula sa flag raising, panunumpa sa watawat at wreath laying o pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Heneral Emilio Aguinaldo.
Si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nagsilbing panauhing pandangal sa Independence Day celebration habang dumalo rin ang mga opisyal ng lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Romualdez na hindi dapat mabaon sa limot ang mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga ninuno sa Barasoain kung saan nagbuklod-buklod ang lahat para itaguyod ang isang bansang malaya at may dignidad.
Hindi lamang aniya isang pribilehiyo ang kalayaan kundi isang responsibilidad kaya tungkulin ng mga Pilipino na ipagpatuloy ang paglaban para sa tuluyang paglaya mula sa kahirapan, katiwalian at kawalan ng katarungan.
Samantala, iba’t ibang organisasyon din ang kalahok at nakiisa sa programa.
Makasaysayan ang Barasoain Church dahil dito binuo ang unang Saligang Batas na tinawag din bilang Malolos Constitution, at dito rin nanumpa si Aguinaldo bilang unang pangulo ng Pilipinas.