Hinimok ni Senate President Chiz Escudero ang mga Pilipino na alalahanin at gawing inspirasyon ang mga sakripisyo at katapangan ng mga bayani ng bansa ngayong ika-126 na taong paggunita ng Araw ng Kalayaan.
Sa mensahe ni Escudero, sinabi niyang ang tema ngayong Independence Day na “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan,” ay paalala sa ating lahat tungkol sa kahalagahan ng ating nakaraan at ang naging malaking papel nito sa paghubog sa ating kinabukasan.
Bunga aniya ng mga sakripisyo at katapangan ng ating mga bayani ay gamitin sana aniya ito para magsumikap tayo sa magandang kinabukasan at gawing gabay ang pagiging malaya para sa pagtahak sa landas ng pag-unlad at pagbabago.
Hinikayat naman ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada ang mga Pilipino na ipakita sa buong mundo ang pagkakaisa at determinasyon nating ipagtanggol ang ating mga karapatan, ang likas-yaman at teritoryong nasasakupan lalo pa sa gitna ng kinahaharap na tensyon sa West Philippine Sea.
Naniniwala si Estrada na ang pagmamalasakit ang pinakamalakas na sandata laban sa mga dayuhan nagnanais na baguhin ang ating teritoryo at pahinain ang soberanya ng bansa.