SAKU-SAKONG MARIJUANA AT ISANG GRANADA, NASABAT SA LALAWIGAN NG ISABELA

Cauayan City – Nasamsam ng mga awtoridad mula sa dalawang indibidwal ang daan-daang marijuana bricks, rolled marijuana na nakasilid sa sako, at isang granada kagabi, ika-14 ng Enero, sa bayan ng Roxas, Isabela.

222 piraso ng marijuana bricks na nagkakahalaga ng P26,640,000 at 19 piraso ng rolled marijuana na nagkakahalaga naman ng P2, 280,000 ang nakumpiska sa dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Jomel” at alyas “Rico”, 30-anyos, residente ng Baranka Ilaya, Mandaluyong City.

Ayon sa ulat, habang kasalukuyang ipinatutupad ng kapulisan ng Roxas ang COMELEC checkpoint sa Brgy. Nuesa, dumaan ang isang rumaragasang itim na SUV at sinubukang iwasan at takasan ang nasabing checkpoint kung saan nabangga pa nito sa Patrol Car ng kapulisan.


Agad namang nagkasagawa ng Hot-Pursuit Operation ang Roxas Police Station at nakipag-ugnayan sa Police Stations sa karatig-bayan upang mahuli ang nasabing sasakyan.

Makalipas ang mahigit dalawang oras na habulan, tagumpay na nakorner ng mga kapulisan ang tumakas na sasakyan sa Brgy. Centro, Mallig, Isabela na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang suspek at pagkakasamsam ng mga nabanggit na kontrabando.

Samantala, ang mga nadakip na suspek at ang mga nakumpiskang mga ebidensya ay nasa kustodiya na ngayon ng Roxas PS para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Facebook Comments