Manila, Philippines – Naging emosyonal si outgoing Philippine National Police Chief Dir. Gen. Ronald Bato Dela Rosa sa kanyang huling flag raising ceremony sa Camp Crame.
Sa kanyang speech, nagpasalamat si Dela Rosa sa 180,000 strong police force na kanyang nakasama sa halos dalawang taon niyang panunungkulan bilang PNP Chief.
Paliwanag ni Dela Rosa, noong una raw ay excited siya sa kanyang retirement na unang nakatakda noong Enero, pero nagbago ang ihip ng hangin ng ma-extend ang kanyang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, ngayong bilang na ang araw niya ay gusto niya bumagal ang oras at gustong samantalahin ang pagkakataon na suot niya ang kanyang uniporme dahil mahal na mahal niya ito.
Humingi din si Dela Rosa ng paumanhin sa kanyang pagkukulang at kung may mga nadismaya man sa kanyang trabaho.
Kasunod nito, hinikayat naman ni Dela Rosa ang buong PNP na suportahan si NCRPO Director Oscar Albayalde na papalit sa kanyang pwesto.
Si Dela Rosa ay bababa sa kanyang pwesto sa Huwebes, Abril disi nuwebe.