Manila, Philippines – Sa salary loan o utang na lamang umaasa ang mga guro sa buong bansa para makatawid sa pang-araw araw na gastusin.
Ito ang inihayag ng Teachers Dignity Coalition (TDC) kasunod ng statement ni Education Secretary Leonor Briones na nagmamaluho ang mga guro kaya nagtatakbuhan sa lending institution ang mga guro.
Sinabi ni TDC Chairman Benjo Basas na insulto ito sa mga teachers dahil hindi na nga kaya ng sweldo ng mga guro ang kasalukuyang mataas na inflation.
Nagpaalala pa sa kalunos-lunos na sitwasyon ng mga guro, matapos na taasan ng GSIS ang kinakaltas sa kanilang loans dahil sa kwestyunable at maling pagkwenta sa kanilang ibinabayad.
Dahil dito muling binuhay ng TDC ang kanilang pitong demand sa gobyerno kabilang na ang pagtataas ng kanilang sweldo at pagtanggal sa sangkaterbang workload na labas na sa oras ng kanilang trabaho.
Ang mga guro na miyembro ng Tdc ay kasalukuyang nagkakampo sa tanggapan ng DepEd sa Pasig City hanggang ikalima ng Oktubre kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Guro.