Sales Agent, Nahaharap sa Dalawang Beses na Pananakit ng Bata!

Cauayan City, Isabela – Nahaharap sa dalawang beses na pananakit ng bata ang isang sales agent matapos na isinilbi ang warrant of arrest nito kahapon sa Burgos Street, District 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang akusado na si Miguel Rulloda Samonte, dalawampu’t isang taong gulang, walang asawa, sales agent sa City of Ilagan at residente ng Namnama, Cabatuan, Isabela ngunit tubong Metro Manila.

Ang pagkakahuli sa akusado ay sa pamamagitan ng pinagsanib pwersa ng Cauayan City Police Station at Regional Investigative Division sa pangunguna ni Police Senior Inspector Ferdinand Datul kung saan ang warrant of arrest ay ipinalabas ni hukom Ariel Palce ng RTC Branch 40 Cauayan City.


Ito ay dahil sa dalawang beses na paglabag ni Samonte ng RA 7610 o pananakit niya sa anak ng kanyang karelasyon kamakailan.

Makakalaya lamang ang akusado kung sakali na makakapaglagak ng piyansa na nagkakahalaga ng walumpung libong piso.

Matatandaan na inaresto noong isang araw si Samonte dahil sa pananakit rin na ginawa niya sa kanyang karelasyon kung saan ay nakatakdang isampa ang kaso laban parin sa akusado.

Facebook Comments