Saliva test sa mga shopping mall, pinag-aaralan na ng Philippine Red Cross

Pinag-aaralan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang posibleng pag-aalok ng COVID-19 saliva RT-PCR tests sa mga malalaking shopping mall.

Isasagawa ito sa parking lot ng mall kung saan hindi na kinakailangan pang lumabas ng sasakyan ang mga magpapa-test.

Ayon kay PRC Molecular Laboratory head Dr. Paulyn Ubial, makakatulong ito para mas maraming tao ang makapag-avail ng saliva test na mas mura kumpara sa swab test.


Bukod sa mas mura, mas ligtas din aniya ito para sa mga nangongolekta ng mga sample.

Hindi na rin ito nangangailangan ng cold storage facility.

Sa ngayon, tanging sa PRC offices sa Mandaluyong at Port Area, Manila pa lamang available ang saliva test.

Target ng PRC na makapagsagawa nito sa iba pa nilang laboratoryo sa buong bansa pagpasok ng Pebrero.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang posibilidad na maisama ang saliva test sa COVID-19 benefit package nito.

Facebook Comments