Salpukan ng 2 Motorsiklo, 1 Patay, 3 Sugatan!

343

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang isang lalaki habang tatlo ang sugatan sa nangyaring salpukan ng dalawang motorsiklo pasado alas onse kagabi sa kahabaan ng pagitan ng Brgy. Carulay at Brgy. Annafunan, Echague, Isabela.

Kinilala ang nasawi na drayber ng Rusi na walang plaka na si Godfrey Quilang, residente ng Brgy. Pagasa, Echague, Isabela habang nakilala naman ang sugatan na drayber ng nakasalpukang Honda TMX 155 na si Ronie Dorado maging ang mga angkas nito na sina Christian Gonzaga at Angelo Danao na pawang mga residente ng Brgy. Annafunan, Echague, Isabela.


Lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na magkasalungat na binabaybay nina Quilang at Dorado ang lansangan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla umanong umagaw ng linya si Dorado na nagresulta sa kanilang matinding salpukan.

Nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan ang mga lulan ng motorsiklo na isinugod ng Rescue Echague sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay si Godfrey Quilang.

Dinala na sa Echague Police Station ang dalawang sangkot na motorsiklo para sa kaukulang disposisyon habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente.

Facebook Comments