*Cauayan City, Isabela*- Patay ang isang negosyante habang sugatan ang 9 pang katao sa naganap na salpukan ng dalawang sasakyan pasado ala una ng madaling araw, Dec. 28, 2018 sa pambansang lansangan ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang driver ng Toyota Grandia na si Albert Villanueva ng Pamplona, Cagayan kasama ang kanyang mga pasahero na sina Manuel Abac, 30 anyos, Princess Joy Barayuga, 15 anyos, Jonel Barayuga 19 anyos, Angelica Jane Eduzma, 15 anyos at Jordan Barayuga, 16 anyos na kapwa residente ng Licab, Nueva Ecija.
Habang ang driver naman ng isang Isuzu ay si Gilbert Abu kasama rin ang dalawang sakay na sina Cornelio Abu, 47 anyos, Franz Abu, 17 anyos at Sean Kenneth Abu, 19 anyos na pawang mga residente ng Libag Norte, Tuguegarao City.
Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabaybay ni Villanueva ang nasabing lansangan nang umiwas sa ginagawang daan at ng bumalik sa kanyang linya ay nagkamali ito sa pagkabig ng kanyang manibela kaya’t nalihis sa kabilang linya.
Nasalpok ni Villanueva ang paparating na sasakyan na minamaneho ni Gilbert Abu na nagresulta sa pagkamatay ni Cornelio Abu at ikinasugat ng dalawang driver maging ang kanilang mga pasahero.
Isinugod naman sa magkahiwalay na pagamutan ang mga sugatan para sa kanilang kaukulang lunas.
Samantala, dinala na sa PNP Cauayan City ang dalawang sangkot na behikulo para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na ng PNP ang kaso na kakaharapin ng suspek.