Salpukan ng 3 Motorsiklo, Isa-Patay; Isa Sugatan!

*Cauayan City, Isabela-* Patay ang isang lalaki matapos salpukin ang minamanehong motorsiklo pasado alas syete kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawi at driver ng Honda TMX 155 na si Alfie Ballares, 23 anyos, tubong Labizares, Northern Samar at residente ng Brgy. Turayong, Cauayan City, Isabela habang ang suspek at driver ng Kawasaki Bajaj ay si Demetrio Capuchino Baltazar, 40 anyos, residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela

Sugatan rin ang isa pang lalaki at driver ng Honda XRM na si Johny Catalma Jr, 21 anyos, residente ng Brgy. Andabuen, Benito Soliven, Isabela.


Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, parehong binabaybay nina Ballares at Catalma Jr. ang lansangan patungong North direksyon habang ang suspek na si Demetrio ay patungo naman sa South direksyon.

Habang binabaybay ng suspek ang lansangan ay nag-overtake ito sa sinusundang sasakyan subalit hindi nito napansin ang paparating na motorsiklo ng biktima na nagresulta sa kanilang salpukan at nabangga rin ang motorsiklo na minamaneho ni Catalma Jr.

Sa lakas na impak ng banggaan ay nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan si Ballares na naisugod pa sa pagamutan subalit idineklara din itong dead on arrival.

Dinala naman sa IUDMC ang suspek para sa kanyang karampatang lunas at nakatakda itong sampahan ng PNP Cauayan City ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Facebook Comments