Salpukan ng Dalawang Motorsiklo, Lolo Patay!

Luna, Isabela – Patay ang isang lolo matapos mabangga ang minamanehong motorsiklo pasado alas tres kaninang umaga partikular sa lansangan ng Brgy. Mambabanga, Luna, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima at driver ng motorsiklo na si Cristino Gungay Nonan, 64 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Manaoag, Cauayan City, Isabela.

Samantala ang suspek ay si Raymark Espique Navarro,26 anyos, binata, residente naman ng Brgy. Saranay, Cabatuan, Isabela, at back rider na si Herson Alipio.


Sa impormasyong ipinarating sa RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), habang binabaybay ni Nonan ang nasabing lansangan patungong Cauayan City, Isabela ay bigla na lamang itong sinalpok ng kasalubong na motorsiklo na patungo naman sa kasalungat na direksyon.

Agad namang nirespondehan ng rescue team ang nasabing insidente at dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima at suspek para sa karampatang lunas ngunit idineklarang dead on arrival si Nonan, habang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Navarro at ang kanyang back rider na si Alipio.

Ang dalawang sasakyan ay nasa kustodiya na PNP Luna para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments