Salpukan Ng Dalawang Motorsiklo, Mekaniko Patay!

Echague, Isabela – Patay ang isang mekaniko matapos mahagip ang kanyang minamanehong motorsiklo ng isa ring motorsiklo alas-otso ng gabi ng Enero 5, 2018 sa Castillo, Echague, Isabela.

Kinilala ang mekanikong biktima na si Randolph Suguitan, 35 anyos, may asawa at residente ng Sinabbaran, Echague, Isabela.

Nakilala naman ang drayber ng Wave na motorsiklo na si Niño Layno, 36 anyos, may asawa, isang pastor at residente ng Paddad, Alicia, Isabela.


Sa imbestigasyon ng PNP Echague, pauwi na si Suguitan at binabaybay ang direksyon patungong Santiago City nang hindi mapansin ang padaang motorsiklo ni Layno.

Natumbok ni Suguitan ang gulong sa unahan ng motorsiklong minamaneho ni Layno dahilan upang tumilapon si Suguitan sa lansangan.

Isinugod pa sa malapit na pagamutan ang biktima ngunit ideneklara na itong Dead on Arrival sanhi ng pagkabagok ng kanyang ulo.

Napag-alaman din na positibo sa alak ang biktima at wala ring ilaw ang kanyang minamanehong motorsiklo.

Hawak ngayon ng Echague PNP si Layno at pinag-uusapan na rin ng magkabilang panig ng sangkot sa insidente ang mga posibleng mapagkakasunduan.

Facebook Comments