Salpukan ng Dalawang Motorsiklo sa Cabagan, Isabela, Isa Patay!

Cabagan, Isabela- Idineklarang Dead on Arival ang isang drayber ng motorsiklo matapos aksidenteng makipagsalpukan sa kasalubong na isapang motorsiklo sa kahabaan ng National Highway brgy. Ngarag Cabagan Isabela.

Kinilala ang nasawing drayber na si Lauro Baligod, 45 anyos,magsasaka, may-asawa at ang angkas nitong sugatan ay kinilala namang si Jeck Huweit pawang mga residente ng brgy. Magassi, Cabagan, Isabela samantalang ang drayber naman ng isa pang motorsiklo ay kinilalang si Rexie Dayawen, 39 anyos at residente naman ng Pang-ot Lagayan, Abra.

Batay sa natanggap na impormasyon ng RMN Cauayan, bumabaybay umano sa naturang lansangan si Baligod kasama si Huweit lulan ang kanyang motorsiklo patungong Tumauini, Isabela habang nasa kasalungat na direksyon naman ng kalsada si Dayawen na noon ay papunta naman ng Centro Cabagan Isabela ng aksidenteng magbanggaan ang mga ito.


Dahil sa lakas ng salpukan ay tumilapon ang mga ito at nagresulta ng pagkakasugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan kaya’t agad din namang isinugod sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay si Baligod.

Samantala, agad din namang dinala ang mga motorsiklo ng mga ito sa himpilan ng kapulisan para sa kaukulang disposisyon habang patuloy paring iniimbestigahan ng PNP Cabagan ang naturang insidente.

Facebook Comments