Salpukan ng Motorsiklo at Van, Isa Patay!

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong na sasakyan sa kahabaan ng Brgy. Pangal Norte, Echague, Isabela.

Kinilala ang biktima at drayber ng motorsiklo na may plakang BO 11288 na si Froilan Pascual, 21 anyos, binata, residente ng Brgy. Pangal, Norte, Echague, Isabela.

Habang ang suspek na drayber naman ng pampasaherong van na may plakang CDI 7689 na si Jesus Agustin, 61 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Dalibubon, Jones, Isabela.


Sa impormasyong nakuha ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), magkasalungat na binabaybay ng dalawa ang lansangan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay umagaw umano ng linya ang motorsiklo kaya’t sumalpok sa paparating na van.

Nagtamo ng matinding sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na isinugod naman sa pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang mga sangkot na behikulo habang inihahanda naman ang kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide na isasampa laban kay Agustin.

Facebook Comments