Salpukan ng SUV at Motorsiklo, Isa Sugatan!

Luna, Isabela- Sugatan ang isang lalaking lulan ng isang motorsiklo matapos itong sumalpok sa kasalubong na SUV sa Brgy. San Miguel, Luna, Isabela.

Kinilala ang sugatang drayber ng Motorsiklo na si Raffy Cabanlong, 27 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Mambabanga Luna, Isabela habang kinilala naman ang drayber ng SUV na si Alex Galutan, 40 anyos, may-asawa at residente naman ng Brgy. Santos, Quezon Isabela.

Batay sa pagsisiyasat ng PNP Luna, bumabaybay umano sa magkasalungat na direksyon ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng National Highway sa naturang barangay ng bumangga si Cabanlong sa kasalubong nitong SUV dahil sa bilis ng patakbo nito.


Sinubukan pa umanong iwasan ni Galutan ang motorsiklong kasalubong nito ngunit dahil sa bilis ng patakbo ay bumangga parin ito sa kaliwang harapan na bahagi ng sasakyan na nagresulta sa pagkakapinsala ng ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Agad namang isinugod sa pagamutan si Cabanlong para sa kaukulang lunas habang dinala naman sa kustodiya ng PNP Luna ang mga sasakyan nila para sa karagdagang imbestigasyon at disposisyon.

Facebook Comments