Salpukan nina Rep. Ridon at Senator Jinggoy, tinapos na

Natuldukan na ang ilang araw na palitan ng patutsada o tirada sa isa’t isa nina Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon at Senador Jinggoy Estrada.

Unang nag-post sa social media sa Senator Jinggoy ng yearbook photo ni Ridon at ni dating Bulacan First District Engineering Office Assistant District Engineer Brice Hernandez na may caption na safe ba tayo sa kanila.

Pinalagan ito ni Ridon dahil kasama sa post ang ilang personal na impormasyon tulad ng kanyang birthday, numero ng telepono pati address ng bahay ng kanyang lola.

Dagdag pa ni Ridon, 12-anyos lang sya sa nabanggit na larawan at hindi naman nya alam na batchmates pala sila ni Hernandez.

Sa budget hearing sa Kamara ay inusisa ni Ridon sa National Privacy Commission kung maaari syang magsampa ng reklamo o kaso laban kay Estrada dahil nalabag ang kanyang privacy.

Pero ngayon ay nagpapasalamat si Ridon dahil binura na ni Estrada ang naturang social media posts kaya binura na rin niya ang kanyang posts hinggil dito.

Diin ni Ridon, move on na sila mula dito kung saan tututukan na lang nila ang mas mahalagang mga bagay at pagsiserbisyo sa bayan.

Facebook Comments