Muling pinagtibay ng Department of Environment and Natural Resources at Pamahalaang Panlalawigan ang salt sharing production agreement sa pamamahala ng foreshore area sa Barangay Zaragoza, Bolinao, Pangasinan para sa produksyon ng asin.
Nangangahulugan na magpapatuloy ang pagtutulungan ng dalawang tanggapan upang mapabuti ang produksyon ng asin at ipagpatuloy ang trabaho ng mga kasalukuyang manggagawa sa asinan.
Unang nilagdaan noong Enero 2023 ang memorandum of agreement para sa interim management ng 473.88 ektaryang baybaying lupain na dating inuupahan ng isang pribadong kumpanya, upang muling buhayin ang industriya ng asin sa lalawigan.
Noong 2022, sinabi ng mga eksperto na umaangkat ang bansa ng humigit-kumulang 93 porsyento ng kabuuang pangangailangan nitong asin na umaabot sa 600,000 metriko tonelada bawat taon.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang lokal na produksyon ng asin, mabigyan ng seguridad sa trabaho ang mga manggagawa, at tugunan ang kakulangan ng suplay ng asin sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, nakatalaga ang pamahalaan sa tamang paggamit ng lugar kasama ang mga teknolohiyang magpapataas ng ani at kalidad ng asin para sa lokal na merkado.









