Manila, Philippines – Inaasahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na malaking pagbaba sa porsiyento ng mangyayaring sunog na dulot ng paputok at pailaw sa pagsalubong ngayong bagong taon.
Ito ay bunsod na rin mahigpit na implementasyon ng executive order number 28 at ang umiiral na Republic Act 7183 o ang ‘act regulating the sale, manufacture, distribution and use of firecrackers and other pyrotechnic devices.’
Ayon kay BFP Spokesperson Fire Superintendent Joanne Vallejo, mas kakaunti na ang tindahang kumuha ng permit ngayong taon kumpara noong nakalipas.
Sa Bocaue, Bulacan aniya na tinaguriang fireworks capital ng bansa, umabot lamang sa 77 tindahan ang nag-renew ng permit kumpara sa halos 100 noong nakalipas na taon.
Sinabi pa ni Vallejo, kung kakaunti ang magtitinda ay walang mabibiling paputok at iba pang pyrotechnic materials.
Batay sa datos ng BFP, iisa pa lamang ang nangyayaring sunog ngayong taon na may kinalaman sa paputok.
Ito ay nang matupok ang isang bahay sa Iriga, Albay dahil sa nagmintis na kwitis.
Sa direktibang inilabas ng BFP, dapat naka-antabay ang isang firetruck o higit pa sa bawat itinalagang firecracker zone batay na rin sa nakasaad sa ilalim ng EO 28 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.