Samahan ng gobyerno, publiko mas tatatag sa Lacson-Sotto tandem

May tamang paraan para ayusin ng gobyerno ang buhay ng mga Pilipino nang hindi nagpapasa ng mga panibagong regulasyon na nagreresulta lamang sa mas malalang sitwasyon, ayon kay kay Partido Reporma presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson.

Aniya, mas akma na bigyan ng pambansang pamahalaan ng mga programang magsasanay sa kanilang kakayahan ang mga Pilipino, lalo na ang mga opisyal at kawani na nagsisilbi sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

“Ang tawag doon capacity building. I-ca-capacitate natin ‘yung mga munisipyong medyo kulang, ibig sabihin, incapacitated – tulungan,” sabi ni Lacson upang maramdaman ng bawat isa ang makabuluhang pagbabago.


Nagawa na ito ng presidential candidate nang malaman niyang may ilang mga local government unit (LGU) ang walang planning officer sa kani-kanilang bayan na may sapat na training para sa pangmatagalang community planning.

Sa kanyang limitadong katungkulan bilang rehabilitation czar ng Aquino administration para sa mga naiwang pinsala ng Super Typhoon ‘Yolanda’, natulungan ni Lacson na maipadala ang ilang LGU officer sa Local Government Academy o Development Academy of the Philippines.

Dahil dito ay nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral ang 161 community planner kung paano lumikha at magpatupad ng mga plano para sa pangmatagalang pag-unlad, ayon kay Lacson.

Nagawa ito sa tulong rin ng pakikipag-ugnayan niya sa United States Agency for International Development (USAID) na nagbigay ng $10 million study grant. Nabenepisyuhan nito ang 171 mga empleyado ng LGU para sa kanilang isinagawang plano para sa rehabilitasyon at makabangon matapos ang paghagupit ng ‘Yolanda’.

“Alam niyo ang problema kasi ang intervention ng ating national government nasa regulation, overregulated na. Ang kailangang intervention ‘yung positive,” pahayag ni Lacson sa 2,600 mga tagasuporta sa Mawab, Davao de Oro na kanyang binista kasama ng running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III at mga senatorial candidate ng Partido Reporma.

Dagdag dito, sinabi niya rin na kailangan ng mas maayos na pakikipagtulungan sa pribadong sektor imbes na ituring ang mga kompanya bilang mga kakumpetensya. Halimbawa nito, ayon kay Lacson, ay ang naging paghihigpit ng pamahalaan sa malalaking korporasyon na nais makatulong sa paglaban kontra sa COVID-19 pandemic.

May mga lumapit umano sa Lacson-Sotto tandem, bilang mga senador, para mag-alok ng tulong upang bumili ng bakuna para sa kanilang mga manggagawa. Pero ayon sa presidential bet ng Partido Reporma, mariin silang tinanggihan ng pamahalaan sa ilang mga pagkakataon.

“Marami ito – SM, ‘yung ICTSI, San Miguel – lahat sila nag-volunteer. Imagine that offer. Ang sabi ng national government, ‘Hindi. Kami lang ang pwedeng mag-procure. Kayo, dadaan kayo sa amin.’ Disincentive. E kung pinayagan nila? Matagal na rin siguro tayong nakapagbakuna ng napakaraming Pilipino. Para bang ang trato hindi citizens ng Republic of the Philippines ‘yung mga empleyado ng mga malalaking kompanya,” sabi ni Lacson.

Ganito rin aniya ang nangyari para sa mayayamang mga LGU tulad ng sa Metro Manila dahil sa paggiit ng national government na magkaroon ng tripartite agreement kasama ng mga pharmaceutical company na gumagawa ng COVID vaccine bago ipamahagi ito sa mga Pilipino.

Kaya naman sa kanilang pamumuno, target ng Lacson-Sotto tandem na “Ayusin ang Gobyerno, Ayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Ubusin ang Magnanakaw” ngayong Halalan 2022. ###

Facebook Comments