
Isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng kabuhayan ang isinagawa sa Barangay Gamata, San Carlos City noong ika-24 ng Marso sa pamamagitan ng profiling at pag-oorganisa ng mga manggagawang gumagamit ng kawayan sa kanilang hanapbuhay.
Layunin ng aktibidad na tukuyin at pag-isahin ang mga indibidwal na gumagawa ng kulungan ng manok at tradisyunal na “obong,” upang mabigyan sila ng mas malinaw na direksyon at oportunidad bilang isang organisadong grupo. Sa kabuuan, tatlumpung (30) manggagawa ang naitala at naging bahagi ng inisyatibo.
Bunga ng pagkakaisa, naitatag ang isang samahan na magsisilbing plataporma para sa kooperasyon, pagbabahagi ng kasanayan, at mas pinadaling pag-access sa mga programang pangkabuhayan. Inaasahan ding mabibigyan sila ng suporta para sa akreditasyon, na magbubukas ng mas maraming oportunidad tulad ng pagsasanay, pondo, at teknikal na tulong.
Itinuturing ang hakbang na ito bilang bahagi ng mas malawak na layunin na palakasin ang sektor ng kawayan at itaguyod ang mga lokal na manggagawa. Sa pamamagitan ng organisadong pagkilos, inaasahang mas mapapalago ang kanilang kabuhayan at makapag-aambag sa pangmatagalang pag-unlad ng komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










