Nagbigay babala ang Nationwide Association of Consumers Inc., o NACI sa Kamara kaugnay sa balak na pagtatatag ng E-commerce Bureau sa bansa.
Sa virtual hearing ng Committee on Trade and Industry ng Kamara, sinabi ni Neva Talladen ng NACI na malaking problema ang kakaharapin ng mga maliliit na negosyante kung ko-kontrolin at ire-regulate ng pamahalaan ang online business.
Pinangangambahan na mas maraming maliliit na online business ang papasok sa ‘underground economy’ na magreresulta sa mas malaking pagkawala ng kita ng gobyerno at magiging ‘counter-productive’ naman lalo sa mga maliliit na E-commerce business.
Mahihirapan aniya ang libu-libong entrepreneurs na makasabay sa hinihinging mga requirements, hindi tulad sa mga kilala at malalaking international E-commerce business.
Tinukoy pa ng NACI na malaki din ang problema sa mabagal na internet service sa bansa, lalo na sa mga online-business sa mga probinsya.
Nakahanda naman aniya ang samahan ng mga maliliit na consumers na makipagtulungan sa pamahalaan para maglatag ng solusyon sa panig ng mga small E-commerce business upang makasabay at makatulong din sa pagsawata sa talamak na pagkalat ngayon ng mga pekeng online transactions sa gitna ng COVID-19 pandemic.