Kinalampag ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang Department of Education (DepEd) na partikular na ilatag ng ahensya kung paano susuportahan ang pagpapatupad ng special education program (SPED) para sa 2023.
Ito ay matapos mabigo ang nasabing kagawaran na makakuha ng pondo para sa SPED para sa fiscal year 2023.
Sa panayam ng RMN Manila kay TDC National Chairperson Benjo Basas, sinabi nito na maraming bata at pamilya ang umaasa sa SPED program ng DepEd lalo na yung walang kakayahang magbayad sa private school.
Kaya naman, umaasa aniya siya na mapasama ang SPED program sa plenary deliberation ng budget ng DepEd.
Dagdag pa ni Basas, malaki rin ang pasasalamat niya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil may mga programa ang ahensya para sa SPED.
Sinabi pa ni Basas na ang pagpopondo para sa mga programa ng SPED, Indigenous People’s Education at Senior High School at pagkuha ng mga gurong partikular na sinanay para sa kanila ay kabilang sa 13-point Teachers’ Dignity Agenda ng TDC.
Una nang inihayag ng DepEd na mayroon silang inilaan na P532 milyon para sa Special Education Programs (SPED) para sa fiscal year 2023.
Pero hindi anila isinaalang-alang sa National Expenditure Program (NEP) ang iminungkahing pondo para dito.