Manila, Philippines – Umaasa ang Philippine Public School Teachers Association o PPSTA na tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pangako hinggil sa dagdag na sweldo na ibibigay sa kanila.
Ayon kay Cristina Manalo, regional president ng PPSTA-NCR, nitong taon ng Enero ng binitawan ng Pangulong Duterte ang kaniyang pangako kung saan sinabi nito na sa loob ng tatlong buwan ay makakatikim na ng dagdag-sahod ang mga pampublikong guro.
Pero, ilang buwan na ang nakakalipas ay wala pa din daw nangyayari kaya at nagdesisyon na ang kanilang samahan na magpadala ng petisyon sa Malakanyang para itaas na ang kanilang sweldo.
Sinabi pa ni Manalo na hindi na kayang tustusan ng mga pampublikong guro ang araw-araw na gastusin dahil sa patuloy na pagtaas na presyo ng mga bilihin.
Sa ngayon, nasa halos P20, 179.00 ang tinatawag na entry level salary ng mga pampublikong guro sa buong bansa.