Tinalakay ng Senado ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) patungkol sa epekto nito sa ekonomiya, agricultural sector at sa buhay ng bawat Pilipino.
Ang naturang free trade agreement (FTA) na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020 ay hindi pa nararatipikahan hanggang ngayon ng Senado kung saan ka-partner dito ang mga bansa sa ASEAN at mga bansang Australia, New Zealand, Japan, South Korea at China.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Federation of Free Farmers Board Chairman Leonardo Montemayor na simula 2019 bago lagdaan ang FTA ay hindi man lang kinonsulta rito ang agri-fishery sector.
Bukod dito, wala rin silang kaalam-alam na mayroon na pa lang kasunduan hanggang sa nalaman na lamang nila na nilagdaan na ni dating Pangulong Duterte ang RCEP noong November 2020.
Iginiit ni Montemayor na hindi maliit ang kanilang sektor lalo’t 25% ng labor force ng bansa ay mga magsasaka, mangingisda at iba pang agricultural producers.
Maliban dito, ang kanila ring kontribusyon sa gross domestic product (GDP) ng bansa ay nasa 35% nangangahulugan na ang malaking kita ng populasyon ay nakukuha sa agriculture at fishery.
Dismayado rin ang samahan na sa kabila ng malaking kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa ay pinakamalaking porsyento ng poverty incidence aniya ay nasa rural sector na kinabibilang ng mga agricultural worker.
Dagdag pa sa pagkadismaya ng mga agricultural producer ang matagal na nilang paghihintay sa mga hakbang ng gobyerno para hindi maapektuhan ng free trade agreement ang mga produktong agrikultura ng bansa.
Iginiit pa na sa kabila ng RCEP ay hindi bumababa ang taripa ng mga produkto, tuloy-tuloy pa rin ang importasyon tulad ng asin, monggo, sibuyas at lumobo ang trade deficit ng bansa sa US $9 billion.