Nagkilos protesta sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros, Maynila ang ilang mga magulang na miyembro ng League of Parents of the Philippines.
Ito ay upang ipanawagan sa mga Commissioner ng COMELEC na maglabas na ng desisyon para idiskwalipika ang Gabriela at Kabataan partylist.
Bukod dito, nais din nila na idiskwalipika na rin at huwag ng payagan pa ang mga partylist na nasa Makabayan Bloc na muling maupo sa pwesto.
Ayon kay Remedios Rosadio na Presidente ng grupo, lumalabas na ang mga nasa Makabayan bloc ay front ng teroristang grupong CPP-NPA NDF kung saan sinisira ng mga ito ang buhay ng mga kabataan at ng pamilyang pilipino.
Ito ay dahil sa umano’y pagrerecruit ng mga kabataan at estudyante na mamundok, labanan ang gobyerno o sumapi sa makakaliwang grupo o sa CPP-NPA-NDF.
Alegasyon pa ng League of Parents of the Philippines, wala naman daw nagagawa ang mga militanteng partylist sa mababang kapulungan ng kongreso, kaya sayang lamang ang pondo.
Paliwanag pa ng grupo, ang Partylist system ay para lamang sa mga organisasyon na tunay na kumakatawan sa marginalize sector, at hindi kumampi sa mga terorista.
Umaasa naman ang grupo na maririnig ng COMELEC ang kanilang panawagan at maglabas na ng pasya sa lalong madaling panahon.