Samahan ng mga pribadong ospital, umapela sa IATF na panatilihin muna ang Alert Level 2 ng dalawang linggo

Kung ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) ang tatanungin, mas nanaisin nilang manatili muna sa Alert Level 2 ang Metro Manila.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PHAPI President Dr. Rene de Grano na iyon ang pulso ng iba’t ibang medical sector.

Ani De Grano, mas maganda kung dahan-dahan ang magiging aksyon ng pamahalaan nang sa ganon ay hindi muling sumirit ang kaso ng COVID-19 sa bansa.


Sinabi pa nito na nangangamba sila na baka kapag tuluyang nagluwag ang restrictions sa bansa ay magkaroon muli ng surge tulad noong pagkatapos ng holiday season kung saan sumirit ang kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron variant.

Lalo na aniya ngayong panahon ng kampanya kung saan kaliwa’t kanan ang mga nakikitang paglabag sa campaign sorties.

Sa kabila nito, sinabi ni De Grano na kung ano man ang maging desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay kanila itong irerespeto dahil nakonsulta rin naman ito sa mga eksperto.

Inaasahang sa mga susunod na araw, ilalabas na ng IATF ang desisyon kung ibababa na sa Alert level 1 ang National Capital Region (NCR) at iba pang bahagi ng bansa.

Facebook Comments