Itinuturing ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) na 90 percent na paralisado ngayong araw ang operasyon ng Port of Manila at Manila International Container Terminal (MICT).
Ito’y dahil sa ikinasa nilang truckers rest day o truck holiday.
Sa monitoring ng CTAP, tinatayang nasa 9,000 cargo trucks ang hindi bumiyahe ngayong araw.
Kabilang dito ay mula sa grupo ng CTAP, Hataw, Integrated North Harbor Truckers Association, Bulacan Truckers kaya’t maluwag ang bahagi ng road -10 at iba pang lansangan na dinadaanan ng mga truck.
Sa pahayag ni Mary Zapata na pangulo ng CTAP, mapayapa ang ikinasa nilang protesta dahil sa hindi tumakbo ang kanilang mga truck.
Aniya, siguradong matetengga ngayon ang mga kargamento dahil noong Sabado pa lamang ay 70 percent na ang yard utilization.
Hiling ng CTAP sa Philippine Port Authority, Bureau of Customs at MICT na magkaroon ng seryosong pag-uusap upang resolbahin ang mga isyu na matagal ng iniaangal ng mga truck operators at mga drivers kaya’t bumabagal ang pagbiyahe ng mga krgamento at nagreresulta ng patong-patong na mga bayarin.
Kasama na rito ang usapin ng no permit – no transaction na simulang ipinatupad ng MICT noong a-uno ng nobyembre at ang patuloy na pagpapatupad ng TABS o Terminal Appointment Booking System na matagal ng pahirap sa industriya.
Paliwanag pa ng CTAP, may ilang cargo truck man na bumibiyahe sa ngayon, ang mga ito ay may mga transaksyon na naipit pa noong biyernes at sabado habang ang iba naman ay mga pabalik ng kanilang garahe para lamang magsauli ng empty containers.