Samahan ng pribadong ospital, umaasang maibibigay sa lalong madaling panahon ang COVID-19 allowance ng mga health workers

Patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng Department of Health (DOH) at Private Hospital Association of the Philippines (PHAPi) kaugnay sa COVID-19 allowance ng mga healthcare workers sa pribadong ospital.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Rene De Grano na karamihan sa mga kasapi nilang ospital ay hindi pa natatanggap ang COVID-19 allowance para ngayong 2022.

Base aniya sa kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan, mayroon na lamang hinihinging mga documentary requirement mula sa mga ospital bago maibaba ang pondo para sa allowance ng mga healthcare workers.


Matatandaan na Pebrero nang mailabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang nasa ₱7.9 billion na pondo para sa allowance ng mga medical frontliners sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa datos ng DOH, nasa higit 180,000 medical health workers pa ang hindi nabibigyan ng OCA o one COVID-19 allowance na karamihan ay mula sa lgus at pribadong ospital.

Facebook Comments