Magdaragdag ng pwersa ang Manila Police District Station-4 o Sampaloc Police Station sa bawat pamilihan sa kanilang distrito bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga mamimili.
Ito’y kasunod ng anunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno ng total lockdown sa Sampaloc matapos na maitala ang mataas na kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa nabanggit na lugar kung saan 98 ang confirmed habang 158 ang suspected.
Ayon kay sampaloc police station commander Lt. Col. John Guiagui, inaasaham nila na mas darami pa ang mga residenteng mamimili sa mga palengke partikular sa Trabajo Market para mag-imbak ng pagkain.
Nabatid kasi na sa ilalim ng total lockdown, kanselado ang quarantine pass at tanging mga healthcare workers at frontliners lamang ang pwedeng lumabas maliban na lamang kung may emergency ang mga residente na kinakailangan isugod sa ospital at ang mga nagda-dialysis.
Magsasagawa naman ng mass testing sa panahon ng lockdown sa buong Sampaloc habang binalaan ang mga residente na huhulihin at kakasuhan ang mga magpapasaway sa naturang kautusan.
Mariin din pinabulaanan ng Sampaloc Police ang kumakalat sa social media na ipapatupad mamaya ang 48-hour total lockdown sa sampaloc.
Wala pa namam eksaktong petsa kung kailan ipapatupad ang lockdown kung saan bibigyan ng pagkakataon ang mga residente para makapaghanda.