Mahigpit pa rin ang panawagan ng OCTA Research Team sa publiko na sundin ang mga health safety protocols, magpabakuna at magpa booster shot para may pangontra sa COVID-19.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Team na nagpapatuloy pa rin ang hawaan ng COVID-19 at tumataas ang kaso ng mga nagpopositibo.
Sa katunayan aniya may mga nakakaranas pa rin ng severe at ang malala ay may namamatay pa dahil sa COVID-19.
Sa kanilang datos aniya, 10 indibidwal kada araw ang namamatay ngayon sa COVID-19.
Mababa aniya ito kung ikukumpara ng mga nakalipas na buwan at taon pero dapat pa rin maging maingat.
Ang mga namamatay aniya ngayon dahil sa COVID-19 ay mga hindi bakunado o di kaya ay mga partially vaccinated.
Paliwanag ni Dr. Guido, hindi nila pinipigilan na lumabas ng bahay ang mga tao dahil mahalaga ngayon ay mapaangat ang ekonomiya ngunit importante rin aniyang sumunod sa health protocols lalo na ang pagsusuot ng facemask, magpabakuna at booster shots.