SAMPUNG KATAO, ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA INSIDENTE NG PAGNANAKAW NG ALAK

Dalawang magkahiwalay na kaso ng pagnanakaw ng alak ang naitala sa Pangasinan noong Martes, Disyembre 30, na nagresulta sa pag-aresto ng sampung lalaki sa Alcala at Asingan.

Sa Asingan, pitong lalaki ang timbog matapos umanong magtago ng anim na kahon ng alak na nagkakahalaga ng P9,108.00.

Ayon sa tala ng pulisya, natuklasan ang pagnanakaw habang nagsasagawa ng inventory ang biktimang tauhan ng isang tindahan. Mula sa 102 kahon ay nawawala umano ang 6 na kahon ng alak na dapat na ideliver ng mga suspek.

Matapos itong matuklasan, kinompronta ng biktima ang mga suspek kung saan kusang inamin ng mga ito ang pagnanakaw at kalauna’y natuklasan ang mga kahon ng alak sa loob ng delivery truck.

Dahil dito, kasalukuyang nasa kustodiya na ng kapulisan ang pitong sangkot na mga lalaki.

Samantala, tatlong lalaki naman ang ang arestado sa bayan ng Alcala matapos masapul sa CCTV ang pagnanakaw ng dalawang kahon ng alak mula sa isang warehouse.

Natuklasan din ng biktima sa inventory na kulang ng dalawang kahon ang sana’y 22 kahon ng idedeliver na produkto.

Narekober ang dalawang kahon ng alak na nagkakahalaga ng Php3,275.00, habang inaresto naman ng kapulisan ang mga suspek.

Nanawagan ang kapulisan sa mga negosyante na maging mapanuri sa kanilang mga paninda upang maiwasan ang ganitong uri ng krimen. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments