Sampung masu-swerteng driver, nabigyan ng solar radio mula sa RMN foundation, DZXL Radyo Trabaho at LSEG Philippines

Nasa sampung masu-swerteng taxi driver ang nabigyan ng solar radio sets bilang regalo sa kanila bunsod ng araw-araw na pamamasada.

Bahagi ito ng One Radio Campaign ng RMN Network Inc. at RMN Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng London Stock Exchange Group Philippines o LSEG PH.

Ilan sa mga nakatanggap ay mga driver na nag-iikot sa Maynila at San Juan City, kung saan ilan sa kanila ay sina Herman Maravillas, Enrique Tanguin, Gerardo Ramirez, Modesto Mercullo , Antonio Cagampang, Edgar Gomez, Rodolfo Abuedo, Felecito Jolito, Emerdito Cruz at Delfin Buenavista.


Lahat ay natuwa dahil first time nilang nabigyan ng ganitong uri ng radyo na tipid sa kuryente at pwedeng mabitbit sa biyahe.


Matatandaan na una ng nag-ikot at namahagi ng radio set ang DZXL Radyo Trabaho sa ilang bahagi ng Metro Manila kung saan ang One Radio Campaign ay inilunsad ng RMN Foundation kasabay ng world radio day celebration noong buwan ng Pebrero.

Bahagi rin ang nasabing proyekto ng Corporate Social Responsibility ng RMN Foundation.

Sinimulan na rin itong ilunsad sa iFM Baguio, RMN Iloilo at iFM Zamboanga.

Nasa 100 Solar Radio Sets naman ang ating natanggap mula sa LSEG Philippines na atin ng ipinamimigay.

Facebook Comments