Sampung prayoridad na panukala ang inaasahang malalagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos bago ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa huling Lunes ng Hulyo.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na bagama’t may kaunting oras lamang sila para maipasa ang mas marami pang priority measures, kumpiyansa naman sila sa Senado na kahit sampu rito ay malagdaan na agad ng pangulo para maging ganap na batas.
Kabilang dito ang Philippine Maritime Zones Act, Real Property Valuation Assessment Reform Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act na kasalukuyang nasa Bicameral Conference Committee.
Dagdag pa rito ang in-adopt ng Kamara na Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS), gayundin ang mga ipapasa sa pagbabalik sesyon na Anti-Financial Accounts Scamming Act (AFASA), New Government Procurement Act, Blue Economy Act at ang Enterprise-Based Education and Training Framework Act.
Samantala, sa kabila ng pangako ni Senate President Juan Miguel Zubiri na talakayin agad ang Mandatory ROTC bill sa Senado ay malabo pa itong maipasa agad dahil tulad niya at ng ilan sa mga kasamahang senador ay may reservations sa panukala.