Sampung senador, tumugon sa survey kaugnay sa Divorce Bill

Aabot na sa sampung senador ang tumugon sa survey na isinagawa ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada tungkol sa Divorce Bill.

Ayon kay Estrada, limang senador ang tutol sa Divorce Bill na kinabibilangan niya gayundin nina Senate President Chiz Escudero, Senate Majority Leader Francis Tolentino, Senators Joel Villanueva at Bato dela Rosa.

Samantala limang senador din ang sang-tayon sa diborsyo kabilang sina Senators Robinhood Padilla, Grace Poe, Risa Hontiveros, Imee Marcos at Pia Cayetano.


Sinabi ni Estrada na ginawa niya ang survey para malaman ang nasa isipan ng mga kapwa mambabatas sa mataas na kapulungan at sa tingin niya ay maganda ring malaman ang pulso ng mga senador lalo’t nakalusot na ang panukalang diborsyo sa Kamara.

This slideshow requires JavaScript.

Hindi aniya siya sang-ayon sa diborsyo sa bansa bilang isang sagradong Katoliko at naniniwala rin siyang may iba pang remedyo o lunas sa paghihiwalay ng mga mag-asawa tulad ng annulment na mas dapat na pabilisin ang proseso at gawing abot-kaya para sa mga ordinaryong tao.

Samantala, ang kapatid naman nitong si Senator JV Ejercito ay pahilig pa lang sa pag-yes sa Divorce Bill dahil nasa proseso pa siya ng discernment o pagtitimbang patungkol sa usapin.

Aminado si Ejercito na bilang isang Katoliko ay maituturing na mahirap na isyu ang diborsyo pero batid din niyang maraming mag-asawa ang trap sa relasyon na wala nang pagmamahalan at hindi na maayos ang pagsasama.

Facebook Comments