Wednesday, February 25, 2026

SAMPUNG SUSPEK, ARESTADO DAHIL SA ILEGAL NA PAGSUSUGAL SA POZORRUBIO

Sampung katao ang naaresto sa magkakasunod na operasyon laban sa ilegal na pagsusugal sa Pozorrubio, Pangasinan kahapon, Pebrero 24, 2026.

Sa ulat ng Pozorrubio Municipal Police Station, anim na indibidwal ang huli sa bisa ng warrant of arrest dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.

Kinilala ang mga suspek bilang edad 30 hanggang 61 taong gulang at pawang mga residente ng bayan.

Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek para sa kaukulang proseso at may inirekomendang piyansang ₱5,000 ang bawat isa.

Pagsapit naman ng hapon, apat pang lalaki ang naaresto sa isang aktuwal na anti-illegal gambling operation na isinagawa ng Pozorrubio MPS katuwang ang Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 1 at PIU Pangasinan PPO.

Nahuli sa akto ang mga suspek na umano’y ilegal na nangongolekta ng taya para sa STL o small town lottery na hindi awtorisado. Nakumpiska sa operasyon ang ₱15,000 na bet money, 15 bundle ng papelitos na may nakasulat na numero, apat na booklet ng blangkong papelitos, at apat na bolpen.

Ang apat na suspek ay mga bet collector na pawang mga residente ng San Manuel, Tarlac at Lupao, Nueva Ecija. Isinailalim ang mga suspek sa medical examination bago dinala sa kustodiya ng pulisya kasama ang mga nakumpiskang ebidensya.

Patuloy ang paalala ng pulisya na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng ilegal na sugal at magpapatuloy ang kanilang operasyon laban dito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments