Patuloy ang clearing at repair operations sa San Carlos City matapos ang pinsalang idinulot ni Super Typhoon Uwan na nagdulot ng malawakang pagkawala ng kuryente sa lungsod at mga karatig-bayan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Lokal na Pamahalaan ng San Carlos, hindi pa agad maibabalik ang suplay ng kuryente dahil sa dami ng nasirang linya, poste, at transformer na naapektuhan ng malakas na hangin at ulan kagabi.
Simula pa noong Lunes hanggang sa kasalukuyan, walang patid ang operasyon ng mga linemen ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) kasama ang mga tauhan ng LGU para sa agarang pagsasaayos ng mga nasirang linya.
Halos lahat ng barangay sa lungsod ay naapektuhan, ngunit may ilang purok na naibalik na ang suplay matapos ang mabilis na pagkilos ng mga linemen.
Hinimok din ng LGU ang mga residente na maging maunawain at huwag mag-panic habang isinasagawa ang malawakang pagkukumpuni.
Para sa mga residenteng may maselang kalagayan o nangangailangan ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, ipinaalala ng pamahalaan na maaaring humingi ng tulong sa kanilang barangay captain. Bukas pa rin ang mga evacuation centers para sa mga nais pansamantalang lumikas.
Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng CENPELCO, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at barangay councils upang mapabilis ang pagbangon ng lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









