Pinabulaanan ng kapulisan sa Mangatarem ang kumakalat umanong abiso sa publiko na muling isasara ang San Clemente Bridge matapos ang ilang buwang rehabilitasyon at muling pagbubukas nitong Setyembre.
Ito ay matapos magdulot ng pangamba sa mga residente na posibleng maapektuhan ang kanilang pag byahe dahil kinakailangan muling magre-route o mag cutting trip dahil sa konstruksyon nito.
Base sa pakikipag-ugnayan ng Mangatarem Police Station sa contractor at mga opisyal sa Department of Public Works and Highways, kinompirma ang tuloy tuloy na pagdaan ng mga motorista at hindi isasara ang naturang tulay.
Noong Pebrero, nilimitahan sa 5 tons o tanging light vehicles lamang ang pinahihintulutang dumaan sa lugar matapos ang malalaking biyak na posibleng makaapekto sa kapasidad ng tulay.
Nagdulot ito ng mabigat na trapiko sa mga biyahero at motorista.
Matapos ang ilang buwang rehabilitasyon, muli itong binuksan ngayong Setyembre.
Ang San Clemente Bridge ay dinadaanan ng mga bus mula Metro Manila patungong Western Pangasinan.
Kaugnay nito, hinimok ng kapulisan ang kaukulang beripikasyon sa mga kumakalat na impormasyon bago ito ipakalat sa social media. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments









