Pinabulaanan ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando, La Union ang kumakalat na post online na hindi umano nagkaloob ng ambulance assistance ang City Health Office (CHO) sa isang dialysis patient.
Ayon sa opisyal na pahayag ng city government, agad silang nagsagawa ng masusing imbestigasyon matapos lumabas ang naturang post.
Batay sa mga beripikadong rekord at opisyal na log, lumitaw na ang pasyente ay ilang ulit na nabigyan ng ambulance at medical assistance ng CHO sa panahong binanggit sa reklamo.
Dahil dito, itinuring na hindi tama ang mga pahayag na walang naibigay na tulong ang tanggapan.
Nilinaw rin ng lokal na pamahalaan na ang serbisyo ng ambulansya ay hindi at kailanman ikinondisyon sa anumang bayad.
Mariin nitong itinanggi ang mga paratang na ang pagbibigay ng tulong ay nakadepende sa kakayahang magbayad ng pasyente.
Ipinaliwanag pa na ang mga sitwasyong inakalang “pagtanggi” ay dulot ng lehitimong operational constraints gaya ng sabay-sabay na emergency response at mga out-of-city referrals.
Sa mga ganitong pagkakataon, sinusunod umano ang wastong coordination protocols upang matiyak ang tuloy-tuloy na pangangalaga sa pasyente.
Bagama’t nagpahayag ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod sa pamilyang sangkot, binigyang-diin din nito ang integridad ng mga public health worker na kumilos alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.
Kasabay nito, nanawagan ang LGU sa publiko na maging mapanuri at tiyaking beripikado ang impormasyon bago ito ibahagi upang maiwasan ang pagkalat ng mga maling pahayag online.








