Bulacan – Pag-aaralan pa ng San Jose Del Monte Bulacan government kung mayroon criminal liability ang kumpanyang San Jose Del Monte Bulacan Water District kung saan sumabog ang water tank.
Ayon kay Engr. Loreto Limcolioc, hindi pa kumpirmado ang sanhi ng pagsabog kung saan nagsagawa sila technical investigation upang matukoy kung ano talaga ang tunay na dahilan ng pagsabog ng tangke ng tubig na ikinamatay nina Jimmy Garcia, 50-anyos, isang police aid; Elaine Samson, 23-anyos; at isang taong gulang na sanggol na si Jaina Espina.
Ayon kay Limcolioc, dalawa ang kritikal sa 42 na sugatan kasama na ang mga magulang ng sanggol.
Matatandaan na inireklamo at nagpetisyon ang mga residente ng Cariedo Street, Barangay Muzon, San Jose Del Monte Bulacan na huwag ituloy ang pagpapatayo ng tangke ng tubig pero itinuloy pa rin umano ng dating barangay chairman.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni San Jose Del Monte Bulacan Mayor Arthur Robes ang tulong ng lokal na pamahalaan ng Bulacan sa mga biktima ng pagsabog.
Aabot sa mahigit 60 residente ang apektado ngayon matapos na mawalan ng tirahan dahil sa pagsabog ng water tank.
Tumaas ang bilang ng casualty dahil nasa gilid ng kalsada ang tangke kung saan mayroong mga bahay at establisyimento sa paligid nito.
Ang nasabing tangke ay nagsu-suplay ng tubig sa buong barangay ng Muzon.
Nagpapatuloy pa rin naman ang clearing operation sa lugar.