Nilinaw ng San Jose Del Monte Local Government Unit sa Bulacan na may layon lang na proteksyonan ang tamang paggamit ng pera ng bayan ang pagpapapirma ng waiver sa mga benepisyaryo ng ayuda.
Kasunod ito ng viral post sa social media ng reklamo ng ilang mga benepisyaryo na sapilitang pinapirma ng waiver kung saan hindi na sila magrereklamo.
Paliwanag ni Atty. Elmer Galicia, Legal Officer ng SJDM, nais lamang nilang maging maayos ang pamamahagi ng ayuda para sa mga benepisyaryo.
Layon lang ng waiver na ihayag na naunawaan ng mga benepisyaryo ang pagtanggap ng ayuda alinsunod sa Joint Memorandum Circular no. 1.
Mariing itinanggi ni Galicia ang reklamo na pinapipirma nila ng waiver ang mga benepisyaryo na P4,000 ang ibibigay pero P1,000 ang matatanggap.