Ikinagalak ni San Jose del Monte City Representative Florida Robes ang pagkakaproklama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa San Jose del Monte, Bulacan bilang isang highly-urbanized city.
Ayon kay Robes, matagal na nilang inaabangan ang pagkakataon na ito kaya naman pagsusumikapan nila na mapatunayang karapat-dapat sila sa nasabing pagkilala.
Aniya, kailangan na lamang na dumaan sa ratification ng kanyang mga kababayan ang proklamasyon ng Pangulo sa pamamagitan ng isang plebesito.
Kumpiyansa naman ang kongresista na dadagsa ang mas maraming negosyo at mamumuhunan sa siyudad gayundin ang trabaho para sa mga residente.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1057 ng Pangulo, maaaring iproklama ng Presidente na highly-urbanized city ang isang lungsod sa loob ng 30-araw matapos nitong makamit ang minimum population na 200,000 na sertipikado ng Philippine Statistics Authority (PSA) at income na aabot sa P50 milyon.