Inihayag ngayon ni San Juan City Mayor Francis Zamora na handang tumulong ang lungsod sa ibang lalawigan para sa pagbabakuna ng COVID-19.
Tugon ito ng alkalde sa apela ni Testing Czar Secretary Vince Dizon na huwag tumigil sa pagbabakuna ang San Juan kahit matapos na ng 100-percent ang pagbabakuna ng second dose sa target population ng lungsod.
Ayon kay Mayor Zamora, basta may suplay ng bakuna mula sa Department of Health (DOH) ay handa ang San Juan para dito dahil may sistema at sapat itong workforce.
Kabilang sa mungkahi ni Sec. Dizon na maaring ikunsidera na magpabakuna sa San Juan City ang mga taga-kalapit-lalawigan ng Metro Manila gaya ng Bulacan, Pampanga, Rizal, Cavite at Laguna.
Paliwanag ni Zamora, maliit na bagay lamang ito kumpara sa potential business na maaring idulot sa sandaling sa lungsod ng San Juan magtungo ang taga-ibang lugar para magpabakuna ng laban sa COVID-19.