Ibinida ng San Juan City government na kanilang nalampasan ang epektong dulot ng tigil-pasada ng ilang grupong pang-transportasyon sa kanilang lungsod.
Ito ang inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora matapos ang isinagawa nilang assessment sa unang araw ng 1 linggong tigil pasada kahapon.
Ayon kay Mayor Zamora, bagaman kapansin-pansing apektado ang ilang ruta tulad ng biyaheng San Juan – Cubao at San Juan – Divisoria pero sa pangkalahatan naman ay naging maliit lang ang papel ng libreng sakay dahil sa dami ng mga pumasada.
Kasunod nito, nagpasalamat si Zamora sa mga opisyal ng barangay na naghanda para sa epektong dulot ng tigil-pasada sa kanilang lungsod sa pamamagitan ng pag-aalok ng libreng sakay.
Dahil dito, ipinauubaya na ni Zamora sa pamunuan ng mga paaralan kung ibabalik na mamaya ang face-to-face classes sa kanilang lungsod o ipagpapatuloy ang online classes at iba pang learning modalities kaalinsabay nito.
Paliwanag pa ng alkalde na magsasagawa rin sila ng recalibration sa kanilang libreng sakay partikular na sa mga biyaheng labis na naapektuhan ng ikinasang tigil-pasada.