Inihayag ni San Juan City Government Mayor Francis Zamora na magkakaroon ng libreng sakay ang San Juan Local Government Unit (LGU) alinsunod sa Executive Order FMZ-140 Series 2023 kung saan pinahintulutan na gagamitin ang mga sasakyan ng LGU at barangay para sa mga stranded na pasahero sa loob ng San Juan.
Ayon kay Mayor Zamora nagpalabas din sila ng EO FMZ-141, S. 2023 kung saan sinususpinde ang regular na ruta ng mga TODA at pagpayag sa mga pampasaherong tricycle na magsakay at maghatid ng pasahero saan man sa loob ng San Juan City.
Bukod dito ay nagpalabas din ng Executive Order FMZ-142, S. 2023 ang LGU kung saan inuutusan ang lahat ng mga paaralan sa lungsod ng San Juan na magsagawa muna ng klase online sa panahon ng strike.
Paliwanag ng alkalde na ang lahat ng government service vehicles ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan, kabilang na ang mga sasakyan ng lahat ng 21 barangay at mga pampublikong paaralan ay magbibigay ng libreng sakay sa mga commuter ngayong araw March 6 hanggang 10 ngayong nationwide transportation strike.
Dagdag pa ni Zamora na ang mga government vehicles ay kinakailangang mag-display ng “libreng sakay” na signages sa kanilang mga windshield sa buong durasyon ng tigil pasada.