Nagsimula nang magbahay-bahay ang Lokal na Pamahalaan ng San Juan para sa information drive at registration bilang paghahanda sa pagdating at rollout ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Layon ng house-to-house ng Local Government Unit (LGU) na maiwasto ang mga maling impormasyon at mabigyan ng tamang kaalaman ang mga residente pagdating sa COVID-19 vaccination program.
Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagbisita sa mga bahay ng mga constituents.
Nais mismo ng alkalde na mapalakas ang awareness ng mga tao sa vaccination rollout.
Sa ginawang information campaign ay sinagot din ang mga madalas na katanungan patungkol sa bakuna lalo na kung paano ito mapapangasiwaan.
Sa kasalukuyan ay mayroong 18,600 na residente ng San Juan ang nakapagparehistro na para mabakunahan at nais pa ng lokal na pamahalaan na madagdagan ang bilang na ito sa mga susunod na araw.