San Juanico Bridge, dapat regular na i-maintain ng susunod na administrasyon — PBBM

Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga susunod na administrasyon na tiyaking regular na nami-maintain ang mga imprastruktura ng bansa, kasunod ng bahagyang pagbubukas ng San Juanico Bridge.

Ayon sa Pangulo, umabot sa halos P1 bilyon ang ginastos sa rehabilitasyon ng tulay—isang gastos na sana’y naiwasan kung may tuloy-tuloy na inspeksyon at maintenance.

Kinumpirma rin umano ito ng mga engineer, na nagsabing hindi na sana kinailangan ang retrofitting kung maayos na naalagaan ang tulay.

Binigyang-diin ni Marcos Jr. ang perwisyong dinanas ng mga motorista at ang epekto nito sa kabuhayan ng mga tao, lalo na sa pagbiyahe ng pagkain at iba pang produkto, dahil sa limitadong pagdaan ng mga sasakyan.

Matatandaang noong May ay nilimitahan sa tatlong tonelada ang mga sasakyang maaaring dumaan sa San Juanico Bridge matapos matuklasang humina ang integridad nito bunsod ng kakulangan sa maintenance.

Facebook Comments