San Mateo, Isabela, Ibinida ang Pagiging Munggo Capital sa Bansa!

San Mateo, Isabela- Binansagang Munggo Capital ang bayan ng San Mateo dito sa lalawigan ng Isabela dahil sa malakas na produksyon nito ng munggo.

Ito ang sinabi ni Municipal Agriculture Officer Emiliano Camba sa naging ugnayan ng RMN Cauayan sa programang Straight to the Point kaninang umaga.

Nagsimula umano ang produksyon ng munggo sa naturang bayan noong magkaroon ng programang PNPL na pinangunahan ng kanilang dating Mayor na si Roberto Agcaoili kung saan ito ay isang pautangan ng pamahalaang local para sa mas magandang produksyon ng munggo.


Maswerte umano ang bayan ng San Mateo dahil mayroon itong lupang sandy loam na naaayon sa sa pagtatanim ng munggo kung saan hindi lahat ng lugar sa bansa ay pwedeng tumubo ang munggo.

Ayon pa kay ginoong Camba, Mayroong 8,452 hectares ng lupa na tinatamnan ng palay ng bayan ng San Mateo at sakop nito ang nasa pitong libo’t limang daan ang natatamnan ng munggo.

Nasa walong daan hanggang isang libong kilo naman ang naa-ani kada isang ektarya ng munggo na sapat na umano sa kanilang produksyon.

Kaugnay nito ay dinadayo at inaangkat na ng Metro Manila ang munggo ng bayan ng San Mateo at dahil sa mas marami at matagumpay nitong produksyon ay naging Munggo Capital na ang bayan ng San Mateo.

Facebook Comments