Nanawagan si Pasig City Mayor Vico Sotto sa sambayanan na ihinto na ang pagkukumpara sa mga local government units ng bawat siyudad.
Sa panayam ng 24 Oras kay Sotto nitong Huwebes, sinabi niyang mas mainam kung tularan na lamang ang “best practices” ng mga lungsod kaysa pagsabungin sila.
“Halimbawa po, yung anti-panic buying and hoarding ordinance sa Valenzuela City, in-adapt po namin sa Pasig, ginaya po rin namin,” pahayag ng alkalde.
“Kaya kailangan po, yung mga LGU, hindi po dapat negatibo yung comparison kundi magtulungan na lang po kami,” dagdag ng 29-anyos na opisyal.
Hindi rin minasama ni Sotto ang pagkontra ng Palasyo sa mungkahing payagang pumasada ang mga tricycle sa lungsod para maihatid ang mga pasyente at health workers sa ospital.
“Kaya lang po ako nagsalita kahapon, para lang po marinig nila ang pananaw namin, yung experience namin sa ground.”
Pero tiniyak ng alkalde na magko-comply sila sa anumang sasabihin o direktiba ng nasyonal na pamahalaan.
Usap-usapan ngayon sa social media ang pinakabatang mayor ng Metro Manila dahil sa mga aksyon at hakbang nito para labanan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa sinasakupang lugar.
Ilan sa mga nagawa ni Sotto ay ang paggamit ng drones upang makapag-disinfect, pagtatalaga ng sanitation tens, pagpapagamit ng bisikleta sa mga frontliner, pagpapatupad ng ordinansa kontra panic buying at hoarding, at pamimigay ng 400,000 food packs at 8,000 bottles of vitamins sa mga apektadong residente.